
Naranasan mo na bang
mahuli ng guro habang nangongopya sa isang pagsusulit? Napagalitan ka na ba
dahil palagi kang late sa pagpasok sa eskwela?Iyan ay ilan lamang sa mga
eksenang bumabalot sa ating pangaraw-araw na buhay. Saan pa? Sa ating Hayskul
Life.
Sabi nga nila, ito raw
ang pinakamasayang parte ng ating pag-aaral, o ng ating buhay mismo. Dito
mararanasan ang dalawang bahagi ng ating
buhay: ang hirap at ang sarap.
Sa hayskul mo matatagpuan ang ilan sa maliligayang sandali,
mga alaalang hindi mo malilimutan hanggang ikaw ay magkolehiyo, magtapos ng
pag-aaral, magkatrabaho, at pagkapamilya: unang crush, unang sayaw, unang
kasintahan at sa iba, unang halik.
Hindi rin mawawala ang
mga pasakit bilang estudyante na magdadala sa iyo sa pagkakataon na sasabihin
mong “Ayoko nang pumasok!”,” Ano ba ‘yan, Lunes na naman, may pasok na naman!”
at “ Ang hirap mabuhay!”: mga istriktong guro, sakit ng ulo dahil sa mga
proyekto, at mga kamag-aral na walang ibang alam gawin kung hindi mang-asar.
Sa kabila nito, patuloy
pa rin tayong pumapasok sa paaralan. Tila ba may isang bagay na bumabatubalani
sa atin upang ipagpatuloy ang pag-aaral rito kahit na maraming hadlang at
pasanin na pinapataw sa ating likuran sa bawat isang klaseng natatapos.
Sa halip na magandang
umaga o magandang hapon, “Anu-ano ang mga takda?”, “Pakopya nga, wala pa akong
asaynment”, at “Pahingi nga ng papel
tapos pakopya na rin”, ang palaging bubungad sa iyo sa pagpasok mo sa inyong
silid-aralan. Mga litanyang kapag narinig mo ay mapapangiti ka at sasabihing “
Oo nga pala, wala pa din ako, sino sa inyo ang mayroon na?”. Bukod pa rito ang
mga pinakahihintay na sabihin ng guro tulad ng “ Suspendido ang klase dahil sa
bagyo” o ‘di kaya’y “ May meeting ang lahat ng mga guro kaya maaga ang uwian
ninyo” na napakasarap pakinggan sa ating pandinig.
Pagdating sa mga
pagsusulit, hindi na uso ang mga kodigo na nakasulat sa maliit na papel na
sisilipin tuwing hindi nakatingin ang guro. Kailangan ng kasanayan sa
pangongopya at katapangan upang makaligtas mula sa isang palakol na marka. Sa
hayskul, ang pagkopya ay hindi isang kasalanan, isa itong talento. Isang
talentong malilinang sa bawat eksamin na dapat sagutan at ipasa.
Matatagpuan mo rin dito
ang mga tunay na kaibigan na aagapay sa iyo sa lahat ng oras, mapaligaya o
problema. Sila ang makakasama mo tuwing suspendido ang klase at gusto ninyong
gumala at lumibot sa ibang lugar upang hindi masayang ang baon. Ngunit narito
rin ang mga huwad at mapagpanggap na hindi na maiaalis sa realidad. Wala ka
nang magagawa, kailangan mo silang pakisamahan dahil parte sila ng pagsubok na
bahagi ng buhay na ito.
Sabi nga ng isang awit,
“Hayskul Life oh my Hayskul Life, walang kasing-saya”, kaya ating sulitin ang
lahat ng tuwa at galak na ating nararanasan habang kapiling natin ang ating mga
kaklase, mga guro at iba pang kamag-aral. Apat na taon lang tayong magkakasama
sa iisang paaralan. Huwag nating sasayangin ang 5,166,000 segundo ng tawanan,
86,100 minuto ng kopyahan, 1,435 oras ng biruan, 205 araw ng asaran, 40
linggo ng kasiyahan, at 10 buwan ng kulitan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento